Mga Istratehiyang Lilinang
sa Aktibong Pagkatuto at Kritikal na Pag-iisip

Ni:
Imelda A. Animoza

 

Si Imelda A. Animoza ay nagtapos ng Master of Arts in Education (Filipino) at Master of Arts in Teaching Language and Literature sa Philippine Normal University.  Batikang guro, lektyurer, awtor at seminar speaker, siya ay kasalukuyang supervisor ng Department of Education, Manila.  Isa siya sa may-akda ng Hiyas ng Diwa, ang serye ng Filipino Pansekundarya ng Abiva Publishing House.

          Nalilinang ang aktibong pagkatuto at kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral kung sila ay sinasanay sa mga gawaing nangangailangang gamitin ang mga kasanayang umunawa, sumuri, bumuo, at magtaya. Ang mga kasanayang ito ang tutulong na malinang ang mataas na antas ng pag-iisip ng mga mag-aaral. Ito’y magkakaroon ng kaganapan kung ang guro ay magiging isang mahusay, malikhain at epektibong facilitator.

            Upang higit na mapabuti at maging aktibo ang pagkatuto ng mga mag-aaral, ang paggamit ng guro ng iba’t ibang istratehiya ay magbubunsod sa higit na marami at malalim na partisipasyon ng mga mag-aaral.

 

Mga Istratehiya at Gawain

A  Para sa Anticipation Phase

Ang mga gawain sa anticipation phase ay inilalaan para magalugad ang dating kaalaman sa isang paksa, pukawin ang kamalayan, at itakda ang mga layunin sa pagkatuto.

Paired Brainstorming. Sa gawaing ito, ang magkaparehang mag-aaral ay magtatala sa isang papel kung ano ang kanilang alam o iniisip tungkol sa paksa. Limang minuto ang maaaring itakda para sa gawaing ito.

Key Terms. Ang guro ay maaaring pumili ng apat o limang salita mula sa teksto at isulat ito sa pisara. Ang magkaparehang mag-aaral ay may limang minuto para mag-usap tungkol sa pagkakaugnay-ugnay ng mga salita o kung paano ito magkakaroon ng kaugnayan sa babasahin nilang teksto. Matapos magkasundo ang magkapareha sa ugnayan ng mga salita, paaalalahanan sila ng guro na maingat nilang isaalang-alang ang teksto habang binabasa upang makita kung ang teksto ay may katulad ng mga salitang kanilang pinag-usapan at pinag-ugnay.

Scrambled Sequence.  Ang guro ay susulat ng lima o anim na pangyayari na nagpapakita ng sanhi at bunga mula sa teksto. Ang bawat isang pangyayari ay isusulat sa papel. Ang sinulatang mga papel ay ilalagay sa isang kahon o dili kaya ang bawat mag-aaral ay hahawakang pataas ang mga papel sa harap ng klase. Ang mga mag-aaral ay tatanungin kung alin ang tamang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari ayon sa akda. Ang mga mag-aaral ay aanyayahang lumapit sa harapan ng isa-isa at ilalagay sa tamang lugar ang bawat aytem. Matapos magkasundo ang mga mag-aaral sa tamang pagkakasunud-sunod, maingat na ipasusuri ng guro ang teksto sa mga mag-aaral habang binabasa upang makita nila kung tama ang ginawang pagkakasunud-sunod.

Free Writing. Anyayahan ang mag-aaral na sumulat nang walang hinto sa loob ng limang minuto ukol sa kung anuman ang kanilang iniisip sa paksa. Makakatulong na malaman ng mga mag-aaral na inoorasan ang kanilang pagsusulat upang makaisip sila ng magagandang ideya.

 

B. Para sa Building Knowledge Phase

INSERT Marking System. Bigyan ng sistema sa pagmamarka ng teksto ang mga mag-aaral habang tinutuklas nila ang iba’t ibang impormasyong nakapaloob dito.  Habang binabasa nila ang itinakdang teksto, ilalagay nila ang karapat-dapat na marka sa margin kasunod ng mga pahayag.  Ilan sa mga markang maaaring gamitin ay ang mga sumusunod:

U         Ang tsek ay ginagamit sa pagmamarka ng mga ideya na alam na nila.

–          Ang minus sign ay minamarkahan ang mga pahayag na sumasalungat sa mga bagay na akala nila’y alam na nila.

+          Ang plus sign ay minamarkahan ang mga pahayag na may kawili-wiling impormasyon na hindi nila inaasahan.

?          Ang tandang pananong (?) ay inilalagay sa mga pahayag na gusto pa nilang malaman.

 

ReQuest Procedure (Reciprocal Questioning Strategy).  Ang istratehiyang ito ay makatutulong sa mga mag-aaral para makabuo ng mga tanong ukol sa teksto.  Ang guro ay maaaring magbigay ng mga modelong tanong na layong magpalawak ng impormasyon ukol sa teksto. 

Narito ang mga hakbang sa paggamit ng ReQuest na maaring gawin ng guro at mag-aaral o ng dalawang mag-aaral:

  • Sabay na magbabasa ng isang bahagi mula sa teksto ang guro at mag-aaral.
  • Magtatanong ang mag-aaral sa guro ukol sa impormasyon sa bahaging binasa.
  • Magpalit ng tungkulin (reverse roles).  Ang guro ang magbibigay ng huwaran at maayos na tanong.
  • Ipagpatuloy ang pagpapalit ng tungkulin hanggang sa ang mga tanong sa bahaging binasa ay matapos at matugunan.
  • Ipagpatuloy ang susunod na bahagi at ulitin ang proseso.

 

Dual Entry Diaries. Maaaring gawin ang dual entry diaries para sa mahahabang tekstong itinakdang basahin sa labas ng klase.  Sa gawaing ito, pag-uugnayin ng mga mag-aaral ang mga material sa teksto sa kanilang sariling mga karanasan. 

Ang mga hakbang para sa dual entry diary ay ang mga sumusunod:

  • Gumawa ng dalawang kolum sa isang blangkong papel. 
  • Sa isang kolum, isulat ang mga paksa o kaisipan sa tekstong nakatawag sa kanilang pansin.  Maaaring ang mga kaisipang ito ay nagpaalala sa kanilang mga karanasan, nakakalito sa kanila, o mga hindi nila sinasang-ayunan. 
  • Sa kabilang kolum, isulat ang mga puna ukol dito na sasagot sa mga sumusunod na tanong:
  • Bakit nila ito isinulat?
  • Sumasang-ayon ba sila rito? Bakit o bakit hindi?
  • Anu-ano ang kanilang mga tanong ukol dito?

 

3.  Para sa Consolidation Phase

Cubing.  Hikayatin ang mga mag-aaral na magtanong tungkol sa paksang itinakda gamit ang mga pangungusap na sumusunod:

            Ilarawan mo
            Ihambing mo.
            Iugnay mo.
            Suriin mo.
            Ilapat mo.
            Pangatwiran mo.

Save the Last Word for Me (Sa Akin ang Huling Salita).  Maari itong gamitin upang mapadali ang pag-iisip at repleksyon ng mga mag-aaral tungkol sa tekstong binasa.

Mga Hakbang:

  • Bilang takdang aralin ng mga mag-aaral,  maghanap sila ng mga mahahalaga at kawili-wiling pahayag na maaaring bigyan ng mga puna na habang binabasa ang teksto,
  • Itatala nila ang mga ito sa isang index card o sa isang blangkong papel.  Isama ang pahinang pinagkunan ng pahayag.
  • Sa likod ng index card o ng papel, isulat ang mga puna, pagsang-ayon o di-pagsang-ayon, at pagpapalawak sa pahayag.
  • Ihanda ang mga quotation cards sa klase.  Tatawag ang guro ng isang mag-aaral para basahin nang malakas ang mga napiling pahayag.  Makatutulong kung babanggitin ng mga mag-aaral ang pahina na katatagpuan ng pahayag para makasunod ang iba.
  • Matapos basahin ang pahayag, tumawag ng iba pang mag-aaral para sa puna at reaksyon. Siguraduhing mapanatili ang talakayan at limitahan ang mga puna na maaaring maging mapang-uyam at walang halaga. Maaari ring magbigay ng puna ang guro.
  • Para tapusin ang talakayan ukol sa pahayag, ang guro ay pipili ng isang mag-aaral na magbabasa ng kanyang piniling pahayag. Ang mag-aaral na ito ang may huling salita.
  • Wala nang magaganap pang talakayan. Maaaring maging mahirap para sa guro na magbigay ng panapos na puna subalit kailangang sumunod sa sa pamantayan.
  • Ang guro ay maaari nang tumawag ng ibang mag-aaral para ibahagi ang kanyang napiling pahayag o simulang muli ang proseso.

 

Literature Circles (Short and Kauffman 1995).  Ito ay isang talakayang pampanitikan kung saan ang mga mag-aaral ay may nakatakdang papel na gagampanan upang maintidihan ang akda.  Mahalagang pumili ng mga akdang may elementong nakagaganyak ng maraming interpretasyon at may koneksiyon sa mga isyung makabuluhan para sa mga mag-aaral.  Maaari itong isagawa sa buong klase sa unang pagkakataon hanggang sa masanay sila sa proseso.  Maaari rin itong gawin ng pangkatan.  Sa simula, ito ay maaaring matapos sa loob ng 20 minuto.  Kapag nadagdagan na ang kanilang karanasan at tiwala sa sarili sa pag-uusap tungkol sa akda, maaring umabot ito hanggang 40 minuto o higit pa.  Malayang makapagtatanong at makapagpapahayag ng mga puna ang mga mag-aaral sa isa’t isa, sa guro, at sa buong klase.

Masasagawa nang maayos ang Literature Circles kung ang bawat mag-aaral ay may particular na gampanin (roles).

Tagatuklas (Quotation Finder). Pipili ng ilang espesyal na seksyon sa teksto na ibig ng pangkat na marinig na basahing malakas.

Imbistigador (Investigator). Magbibigay ng impormasyon sa alinmang paksa kaugnay ng teksto.

Tagahanap (Travel Tracer). Susundan ang galaw ng mga tauhan sa teksto at hanapin ang mga papalit-palit ng lugar na tinatalakay sa akda.

Konektor (Connector). Hahanap ng koneksyon sa teksto at sa mga pangyayari sa kapaligiran, lipunan, o sa buong mundo.

Tagapagtanong (Question Asker). Magsusulat ng mga tanong para pag-usapan ng pangkat.

Tagahanap (Word Finder). Hahanap ng mga kawili-wili, nakalilito, mahalaga, o bagong salita para talakayin ng pangkat.

Tagatsek (Checker). Tutulungan ang nasa pangkat na maging maayos ang kanilang gawain sa pamamagitan ng pagpapanatili sa paksa, masayang pakikilahok, pakikibahagi, at paggawa ayon sa itinakdang oras.

Tagapagbigay-kahulugan (Character Interpreter). Maingat na mag-iisip tungkol sa mga tauhan at tatalakay kung ano ang kahulugan nila sa ibang mag-aaral.

Tagaguhit (Illustrator). Guguhit ng mga larawan, tagpuan, at aksyon para matalakay ng ibang mag-aaral ang mga larawan.

Tagapagtala (Recorder). Kukuha ng mga tala sa mahahalagang punto sa talakayan.

Tagapag-ulat (Reporter). Mag-uulat tungkol sa talakayan ng pangkat sa guro o sa buong klase.

Para maging matagumpay ang bawat gampanin, iminumungkahi ang mga sumusunod:

  • Ituro sa klase ang gampanin ng bawat isa.  Magbigay ng halimbawa kung paano maisasagawa nang mainam ang bawat gampanin. 
  • Hikayatin ang mga mag-aaral na magtanong tungkol sa kanilang gampanin sa halip na sabihin kung ano ang dapat nilang malaman. 
  • Piliin lamang ang kapaki-pakinabang na gampanin para sa isang partikular na talakayan. Kung minsan ang apat o limang gampanin ay sapat na.
  • Pag-iba-ibahin ang gampanin ng mga mag-aaral. Ang bawat mag-aaral ay maaaring gumanap ng maraming gampanin sa ilang talakayan.

Sanggunian
Temple, Charles, Ogle, Donna, & Ogle, Arthur.  2002.  Reading and Writing for Critical Thinking Project. Newark, DE: International Reading Association.

 

Home